Narito ang mga sintomas at hudyat ng pagngingipin, at kung ano ang mga maaaring gawin para maibsan ang sakit na nararamdaman ng iyong anak
Paglabas ng unang ngipin ng iyong sanggol, saka mo pa lamang maiisip kung bakit nga ba naging iritable at iyakin siya nung mga nakaraang linggo. Bawat bata ay may kakaibang karanasan at nararamdaman sa tuwing magngingipin. Kailangang alamin ni Nanay at Tatay ang mga hudyat ng bagong karanasan (at milestone na rin) na ito upang malaman kung paano makakatulong na mabigyan ng ginhawa ang pakiramdam ni baby.
May ibang hindi naman nakakaranas ng malaking pagbabago o kahit anong sakit, ngunit may mga bata ding hirap at talaga namang lubhang sakit ang pinagdadaanan. Mabuti na lamang ay maraming maaaring gawin para maintindihan ang sakit na hindi maipaliwanag ng isang sanggol, at maremedyuhan ang kondisyong ito.
Kailan nga ba nagsisimula ang pagngingipin?
Ang mga sintomas ay sadyang nauuna ng halos tatlong buwan kaysa sa paglabas mismo ng ngipin. Karaniwang lumalabas ang ngipin sa ika-6 na buwan, ngunit may mga tabang 3 buwan pa lamang ay may mga nagsisimula nang lumabas. May iba rin na umaabot ng halos isang taon bago pa magkangipin. Madalas na nauuna ang dalawang ngipin sa harap, sa ibaba, kasunod ng dalawang ngipin sa harap din, sa itaas.
Ano ang mga karaniwang sintomas?
Paglalaway
Ito na ang pinakakaraniwang hudyat. Nagsisimula ang labis na paglalaway na ito mula ika-10 linggo hanggang 4 na buwan.
Payo: May mga nabibili na ngayong panyo na hugis tatsulok, para sa mga sanggol at toddlers na naglalaway. Nilalagay ito sa leeg, na para ding bib, upang hindi naman kumalat at mabasa ang suot na damit. Malambot ang tela para hindi masugatan o mairita ang balat ng bata sa bandang baba at leeg dahil sa dalas ng pagpunas dito.
Pag-ubo at pagduduwal
Dahil sa dami ng laway, minsan ay halos nabubulunan na at inuubo ang bata. Karaniwan lang ito at hindi dapat ikabahala.
Nahihilig mangagat
Mapapansin na halos lahat ng mahawakan ng bata ay isinusubo at parang nginangatngat. Dahil nga naglalabasan na ang ngipin, ang natural na aksiyon ng bata ay idiin ang gilagid o “kumagat” sa anumang matigas na bagay.
Payo: Karaniwang teether o pacifier ang nakakatulong dito. Subukang gumamit ng teether na nilalagay sa freezer para malamig kapag kinagat o nginuya ni baby. Kapag malamig kasi, natutulungang mamanhid ang gilagid. May mga nabibili na ring teething mitts o mittens na nilalagay sa kamay ng bata, at mga malalambot na laruan na ligtas kagatin.
Madalas na pag-iyak
Ayon sa aklat na Caring for Your Baby and Young Child: Birth to Age 5 ng American Academy of Pediatrics, may mga batang nahihirapan dahil sa sakit ng pagkamaga ng kanilang gilagid o gums sanhi na nga ng lumalabas na ngipin. Lubhang masakit ito lalo na ang mga unang ngipin at ang mga molar.
Payo: May mga maaaring i-resetang pain reliever ang iyong pediatrician o dentista, kaya’t ikunsulta ito kung labis na ang pag-iyak ni baby. Subukang gamitin ang malinis na daliri sa pagdiin o magaan na pagmasahe sa gilagid ni baby.
Madalas ang paggising sa gabi
Minsan magugulat ka na lang dahil ang iyong anak na dati’y nakakatulog na ng buo sa gabi, ngayon ay gumigising at umiiyak na sa hatinggabi o madaling araw.
Payo: Iwasang pakainin siya sa tuwing mangyayari ito dahil ayaw mong masanay siyang muli sa pagkain sa oras na dapat ay tulog siya. Yakap at halik ni Nanay at Tatay ay pinakamabisang remedyo sa pag-iyak ni baby.
Ayaw kumain
Gustuhin mang kumain o dumede kay Nanay, hirap si baby na gawin ito dahil na nga sa pamamaga ng gilagid. Kaya’t lalong iritable dahil nga gutom na, ay may sakit pang nararamdaman.
Payo: Magtanong sa doktor kung paano matutulungan ang iyong anak na kumain, kung lumagpas na sa isang araw na hindi siya kumakain, mahina ang kain niya ng ilang araw na. Sinasabing ang malalamig na inumin ay nakakatulong na maibsan ang sakit, para sa mga batang anim na buwan pataas. Bigyan si baby ng malamig na tubig (walang yelo) sa bote o baso. Subukan ding pakainin ng malalamig na pagkain tulad ng yogurt, applesauce, pinalamig na saging (mashed).
Sinisinat
Dahil nga namamaga ang gilagid, maaaring magkaron ng sinat o mababang lagnat si baby, na hindi naman dapat ikabahala.
Payo: Kung higit sa 101 degrees at umabot ba ng 3 araw, itawag o ikunsulta na sa pediatrician.
Ang diarrhea o pagtatae ay karaniwang nararanasan ng mga batang nagngingipin. May mga nagsasabing hindi ang pagngingipin ang sanhi ng pagtatae at wala itong kinalaman sa kondisyong ito. Pero ayon kay Joel Vergel De Dios, DMD, maaaring ang pagsubo ng mga iba’t ibang bagay ang nagdadala ng bacteria sa sistema ng bata, kaya’t nagtatae ito. Ngunit hindi ang pagngingipin ang direktang dahilan nito.
Ganoon din ang lagnat. Ayon din sa American Academy of Pediatrics, sa panahong nagngingipin ang bata, bumababa din ang passive immunity na nakuha nito sa antibodies ng ina mula sa sinapupunan, kaya’t mas bukas ang bata sa pagpasok ng mga bactria at virus. Tandaan na kung may lagnat, pagsusuka o pagtatae, maaaring may mas malaking dahilan ito, liban sa pagngingipin. Ikunsulta agad ito sa doktor.
BAWAL! Ayon sa Food and Drug Administration (FDA), huwag bibigyan si baby ng topical numbing agents, tulad ng herbal o homeopathic teething gels at iba pang katulad na medisina.
KUNG ang anak ay wala pa ring ngipin pagdating ng 18 buwan, ikunsulta ito sa iyong pediatrician, na maaaring mag-rekomenda ng pediatric dentist para kay baby. Hindi dapat mabahala kung huli ang paglabas ng ngipin ng anak. Kailangan lang siguraduhing walang ibang komplikasyon ito.
Sources: Caring for Your Baby and Young Child: Birth to Age 5, 6th Edition (Copyright © 2015 American Academy of Pediatrics); Dr Joel Vergel De Dios, DMD, DOCTORS CLINICS and DIALYSIS CENTER of the National Kidney and Transplant Institute, East Ave.